ang lola mo….
Saturday, November 26th, 2005kanina ang lola mo bumili ng parol. kulay gold yari sa aluminum foil. kahit walang handa basta may parol pasko na.
kanina ang lola mo nasa simbahan, patuloy pa rin ang panata, dasal at luhod hawak ang lumang rosaryo.
kanina ang lola mo, nakaupo sa labas ng simbahan, nagtitinda ng kandila para sa isusubo ng apo.
kanina ang lola mo, may hawak na saklay, sa hospital. isang saklay lang, dalawa dapat. mahirap talaga ang buhay.
kanina ang lola mo nagtitinda. puting puti ang buhok sa maputik na kalsada ng divisoria. para sa hapunan na lugaw.
kanina ang lola mo nasa hagdan ng LRT, ilong ng isang katutubong binaba ang bundok para sa limos na iaabot mo.
kanina ang lola mo nasa TV. hawak ang rehas na bakal. nagtinda ng marijuana. may katarata na ang mata ngunit wala pa ring laya.
kanina ang lola ko, nagluto ng tortang giniling. lahat ginagawa para sa akin. nagtitiis ‘wag lang ako mahirapan.
ikaw? kanina, naisip mo ba ang lola mo…..
"nay, i love you po…."