Archive for April, 2007

my most holy week

Sunday, April 8th, 2007

Habang nasa kwarto ako at nagmumukmok dahil hindi nakasama sa out-of-town ng barkada, hinila ako ng aking mga paa palabas ng kwarto at naupo sa sala. Sige na nga, makikinig ako ng mass. Tamang tama, may binabasa si father, isang sulat ng 85 year-old sa kanyang anak…

"Anak,

Pasensya ka na kung makulit ako.. Kung paulit-ulit ang sinasabi ko. Kahit walang saysay ang sinasabi ko, sana nakikinig ka. Hindi mo lang alam kung gaano ako kasabik na makakwentuhan ka.

Naaalala mo pa ba noong bata ka, nagpapabili ka ng lobo. Hindi ka titigil hangga’t ‘di mo nakukuha ang gusto mo. Naaalala mo rin ba noong pinapakinggan ko ang mga kwento mo kahit pautal utal?

Pasensya ka na anak kung madalas akong madumi sa higaan. Pasensya ka na sa malaking abala sa paglilinis sa akin.

Naaalala mo pa ba kung gaano karaming laruan ang inililigpit ko sa tuwing maglalaro ka?

Pasensya ka na anak sa amoy ko.. ‘Wag mo sana akong piliting maligo. Alam mo naman ang katawan ng matanda, madaling magkasakit kapag nalamigan.

Naaalala mo pa ba noong bata ka? Nagtatago ka pa sa ilalim ng kama dahil ayaw mo maligo?

Sana anak, sa oras na mahimlay ako sa banig ng karamdaman, ‘wag mo sa na akong pandirihan. Hawakan mo sana ang aking kamay at bigyan mo ako ng lakas na harapin ang kamatayan. At kung makaharap ko na S’ya, ibubulong ko sa Kanya na pagpalain ka dahil naging mabuti ka sa iyong ama’t ina…."

Hindi ako nakasama sa barkada dahil nahigh-blood si lola. After kong marinig ang sulat, hindi ko malaman kung iiyak ba ako o hindi, Katabi ko si Nanay, pareho kaming tinamaan ng sulat. Dahil doon, narealize ko na, dito ako nararapat magspend ng holy week… Sa bahay, kasama si Nanay….