paglubog ng araw
"sanay di magmaliw ang dati kong araw, nang munti pang bata sa piling ni nanay"
masaya akong naglalaro sa may dalampasigan habang umaawit ang dagat.
kasama ko si mama na naghahabulan sa puting buhangin. sa ilalalim ng
kahel na kalangitan ay namuo ang pagmamahalan ng isang mag-ina. sa
pagod ay nauupo kami ni mama sa may batuhan. pinagmasdan ang paglisan
ni haring araw, manghang mangha sya sa kagandahang natanaw. sa
pagtuldok ng huling silahis ng araw ay sinabi ni mama.. "mickey, ang
buhay ng tao ay naglalakad lamang sa isang dalampasigan. masdan mo
ang ating nilakaran, ang lahat ng tao ay may iisang paroroonan. iba
iba nga lang ang bakas na iiwan natin sa buhangin"
sa pagsapit ng dilim ay inihiga ako ang aking katawan sa kandungan ni
mama. sa ilang ulit na pagalon ng tubig ay namuo ang mga butil ng
perlas sa mata ni mama.. ang bawat butil ay isaisang gumulong sa
tagiliran ng dagat. at sa pagihip ng hangin ay umawit si mama.
"sa aking pagtulog na labis nang himbing. ang bantay koy tala, ang
tanod koy bituin..sa piling ni nanay langit ang buhay.."
sa pagsikat muli ng araw ay ibinangon ko ang tamad kong katawan.
kumikinang ang tubig sa dagat at dagli kong ginising si mama upang
maglaro muli… uba ang naramdaman nang hindi ngumiti si mama sa kabila
ng aking paggising.. sa maaliwalas na kalangitan ay natanto ko na
narating na nya ang ating paroroonan. ang matamis kong ngiti ay
dagling binalot ng pangungulila… at sa pagihip ng hanging amihan ay
aking nasambitm "paalam, mama…"
sa paglipas ng panahon muli akong nagbalik sa may dalampasigan.
hubad ang paa at naglakad at dinama ang bawat butil ng buhangin.
muling binalikan ang matatamis na alaala. narating ko ang batuhan
kung saan natapos at nagsimula ang lahat. muling nasilayan ang
pamamaalam ni haring araw… niyakap ako ng pangungulila ngunit
nabubuhay pa ang pagasa na muli kamimg maghahabulan ni mama sa isang
dalampasigan kung saan di na muling lulubog pa ang araw…
"puso kong may dusa, sabik sa ugoy ng duyan…."