isang mata

mama, mamang iisa ang mata,
isang amang sa anak nag-aruga.
nagmahal sa iyong una at pangalawa,
ngunit ang puso ay nagdurusa.

mama, mamang iisa ang mata,
lunod na sa tubig ang iyong baga.
tubo sa bibig ay nginangata-ngata,
nais bumangon sa iyong pagkakahiga.

mama, mamang iisa ang mata,
humihingi ng kape sa isang binata.
“masama, masama…” hindi tumalima,
ika’y nagalit, “putang ina!”.

sa iisang mata, ako’y nagaalaga,
gatas ang binigay sa iyong dila.
paghihirap mo’y aking nadarama,
buhay man natin ay sadyang magkaiba…

“sir, hindi ka pa maaring bumangon.”
tila naiinip sa tagal ng panahon.
ang iyong asawa’y lagi kang nililingon,
ngunit bakit ang mga anak ay lumaon?

ilang araw pa ang puso mo’y bumuti,
ang iyong baga, hindi na nakabigti.
ang iyong hirap tila umikli,
sa muling pagkikita, ika’y nakangiti.

laking tuwa nang ikaw ay aking ihatid,
sa isang kwartong wala nang lubid.
ang iyong kama, may telebisyon sa gilid,
sana, ang katawa’y huwag nang tumagilid.

tandang tanda ko pa nang iyong sabihin,
ang iisang mata ay hindi na aangkinin.
nais humimlay, bigat ay pawiin.
mata’y iaalay sa bulag man o sa akin.

laking pagkagulat sa aking pag-akyat,
naroon ka muli at wala nang ulirat.
tinawid na buhay, sa dibdib ay bakat,
hanggang kailan pa, hangin ay sasapat.

aking tanto, na ikaw ay paroroon,
mawawala ang lahat, luha ang babaon.
tinik sa iyong puso, isisilid sa kahon,
ang ala-ala mo’y magiging kahapon.

mama, mamang iisa ang mata,
iisa mong mata, saksi kong lumuha.
tila isang batang, may bagong umaga,
umagang ‘di matatapos, wala nang hirap.

‘pagkat ika’y nasa langit na,
PAALAM….

ang iyong nurse,
MIKE

Leave a Reply